Menu

KWF, Davao SUCs nilagdaan ang MOU para sa pagtatatag ng Sentro ng Wika at Kultura

Pormal na nakiisa ang Davao de Oro State College sa pagsusulong ng wikang Filipino at kulturang lokal matapos itong maging isa sa mga institusyong lumagda sa Memorandum of Understanding (MOU) kasama ang Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) para sa pagtatatag at pagpapaigting ng Sentro ng Wika at Kultura (SWK).
 
Isinagawa ang seremonya ng paglagda kaninang umaga, Setyembre 21, 2026, sa Davao Oriental State University (DOrSU), katuwang ang iba pang State Universities and Colleges (SUCs) sa rehiyon, kabilang ang DdOSC, DOrSU, Davao del Norte State College, at Southern Philippines Agri-Business and Marine and Aquatic School of Technology.
 
Kinatawan ang DdOSC nina Dr. Gloryjean C. Altamera, Vice President for Academic Affairs; Eileen Charity D. Libron, KWF focal; at Loraine Jane B. Bañares-Cubio, Bachelor of Secondary Education-Filipino Program Coordinator ng Montevista Branch.
 
Samantala, kabilang sa mga dumalo mula sa KWF sina Atty. Marites Barrios-Taran, Tagapangulong Komisyoner; Dr. Benjamin M. Mendillo Jr., Komisyoner para sa Pangangasiwaan at Pananalapi; Dr. Carmelita C. Abdurahman, Komisyoner para sa Programa at Proyekto; at Bb. Sarah Taran, Executive Secretary.
 
Sa ilalim ng kasunduan, magtatatag ang DdOSC at iba pang kalahok na SUCs ng Sentro ng Wika at Kultura na magsisilbing institusyonal na mekanismo sa pagpapaunlad, pagpapalaganap, at pagtataguyod ng wikang Filipino, gayundin ng mga wika at kulturang umiiral sa kani-kanilang pamayanan at rehiyon.
 
Bilang bahagi ng mandato nito, pangangasiwaan ng SWK ang mga kongreso, kumperensiya, seminar, palihan, timpalak, at iba pang gawaing pangwika at pangkultura.
 
Magsasagawa rin ito ng mga pananaliksik hinggil sa wika at kultura ng lokalidad, magtataguyod ng mga katangiang pangkultura ng rehiyon, at magpapatibay ng ugnayan sa mga ahensiya, institusyon, at organisasyong may adyenda sa wika at kultura.
 
Higit pa rito, nakapaloob sa kasunduan ang mas pinaigting na pagtutulungan ng KWF at mga SUCs sa pagbuo at pagpapatupad ng mga programa at proyekto ng SWK.
 
Bilang suporta, magkakaloob ang KWF ng mga pagsasanay at pagtutok, sanggunian at iba pang materyales, teknikal na paggabay at pagsusuri sa mga proyekto, gayundin ng tulong sa pagpaplano ng taunang programa ng Sentro.
 
Sa panig naman ng DdOSC, maglalaan ang Kolehiyo ng angkop na opisina at iba pang kinakailangang pasilidad para sa SWK at susuporta sa pagpapatupad ng mga programa, pananaliksik, publikasyon, at iba pang gawaing pangwika at pangkultura.
 
Sa pamamagitan ng pakikipagtuwang na ito, lalo pang pinalalakas ng DdOSC ang institusyonal nitong suporta sa pagpapaunlad ng Filipino at pangangalaga sa mga lokal at katutubong wika at kultura.
 
MGA LARAWAN MULA SA OPISINA NG VICE PRESIDENT FOR ACADEMIC AFFAIRS

© 2025 | Davao de Oro State College

All Rights Reserved