Menu

Talino, pagkamalikhain, ipinamalas ng DdOSCians sa pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa 2026

Ipinamalas ng mga DdOSCian ang kanilang talino, husay, at pagkamalikhain sa pagdiriwang ng Davao de Oro State College ng Buwan ng Wikang Pambansa 2026, na ginanap ngayong araw, Agosto 27, sa DdOSC Main Campus Activity Center.

Nakasentro ang pagdiriwang sa temang “Wikang Filipino at AI: Kasangkapan sa Pananaliksik at Tulay sa Yaman ng Impormasyon,” na nagbibigay-diin sa patuloy na pagpapahalaga sa wikang Filipino sa gitna ng mabilis na pag-unlad ng teknolohiya at artificial intelligence (AI).

Sa pangunguna ng Student Affairs and Services Division (SASD), katuwang ang College Student Council (CSC), dinaluhan ang programa ng mga mag-aaral, guro, at kawani ng Kolehiyo.

Sa kanyang pambungad na pananalita, binigyang-diin ni SASD Director Judith R. Tudy, MAEd, ang kahalagahan ng patuloy na pagpapahalaga at pagtataguyod sa wikang Filipino bilang mahalagang daluyan ng pagkakakilanlan, kaalaman, at pakikipag-ugnayan.

Tampok din sa pagdiriwang ang iba’t ibang patimpalak na nagsilbing entablado ng husay at pagkamalikhain ng mga kalahok, kabilang ang Lakan at Lakambini, Visayan Song at Kundiman, Balagtasan, Traditional and Digital Poster Making, Dagliang Talumpati, Balak Bisaya, at Sabayang Pagbigkas.

Sa pamamagitan ng mga patimpalak at pagtatanghal, ipinakita ng mga DdOSCian na nananatiling buhay at dinamiko ang wika, hindi lamang sa mga aklat at silid-aralan kundi maging sa malikhaing pagpapahayag at mga makabagong espasyong hinuhubog ng teknolohiya.

Binigyang-diin din ng pagdiriwang na sa patuloy na pag-usad ng teknolohiya, mahalagang mapanatili ang Filipino bilang wikang may kakayahang makibagay sa pagbabago, magsilbing daluyan ng kaalaman at pananaliksik, at patuloy na magtaguyod ng kulturang at pagkakakilanlang Pilipino.

© 2025 | Davao de Oro State College

All Rights Reserved